-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hiniling nang gobernador ng Benguet ang pagsuspindi ng lahat ng mga paaralan ng elementarya at sekondarya sa lalawigan sa paggamit ng mga babaeng estudyante ng skirt uniform ng mga ito.

Ginawa ito ni Benguet Governor Melchor Diclas kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga nabibiktima ng dengue sa lalawigan kung saan aabot na sa tatlo ang namatay dahil sa nasabing sakit ngayong taon.

Nakasaad sa kanyang memorandum circular No. 04 Series of 2019 ang pag-utos ni Diclas sa lahat ng mga public schools district supervisors at principals sa pagsuspindi ng mga ito sa pagsuot ng skirt school uniform sa lalawigan tuwing rainy season o mula June hanggang October bawat school year.

Batay ang kautusan sa rekomendasyon ng Provincial Health Office kung saan sa panayam ng Bombo Radyo ay sinabi ni Provincial Health Officer Nora Ruiz na mas maganda ang pagsuot ng pantalon sa mga babaeng estudyante para makaiwas sila sa kagat ng lamok na carrier ng dengue virus at para hindi na madagdagan pa ang kaso ng dengue sa Benguet.

Batay sa datus mula January 1 hanggang June 15 ngayong taon, tumaas ang dengue cases sa Benguet na umabot ng 451 cases, mas mataas ng 30.34 percent kung ihahambing sa 346 cases noong 2018.

Nakasaad pa sa memo ni Governor Diclas ang pagsasagawa ng regular na school activity para mapuksa ang lahat ng posibleng mosquito breeding sites sa lahat ng sulok ng mga paaralan.