Hindi pagsikil sa press freedom kundi pagbibigay ng proteksyon sa publiko laban sa fake news ang layunin ng panawagan na suspendihin ang operasyon ng Sonshine Media Network International’s (SMNI).
Batay sa mga lumabas na impormasyon sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises, sinabi ni PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migz” Nograles na maraming beses nang naakusahan ang SMNI na nagpapakalat ng fake news bukod pa sa alegasyon ng red-tagging.
Iginiit ni Nograles na ang pagsuspendi sa operasyon ng SMNI ay hindi pag-atake sa press freedom kundi isang pagdepensa sa karapatan ng publiko na makakuha ng tamang impormasyon.
Ayon kay Nograles, responsibilidad ng Kongreso na pangalagaan ang publiko laban sa peke at malisyosong impormasyon.
Pinagtibay ng komite ang resolusyon ni Nograles bago natapos ang pagdinig nitong Martes.
Nauna rito, na-cite for contempt at ipinag-utos ng komite ang pagkulong sa anchors na sina Jeffrey Celiz at Lorraine Badoy ng programang Laban Kasama ang Bayan na umeere sa SMNI.
Sa naturang programa, sinabi ni Celiz na gumastos si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P1.8 bilyon sa kanyang mga biyahe.
Ayon kay House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco, nagkakahalaga lamang ng P4.3 milyon ang ginastos ng mga Office of the Speaker mula Enero hanggang Oktobre 2023.
Inireklamo rin ang SMNI dahil sa red-tagging at pagpapakalat umano ng mga maling impormasyon at nadawit din sa pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay ACT Teachers Rep. France Castro.