-- Advertisements --

Naniniwala si President-elect Ferdinand Marcos Jr na kailangan munang dumaan sa isang “cost-benefit” analysis ang mga panukala na suspindihin ang mga excise tax sa gasolina sa gitna ng pagtaas ng mga presyo nito.

Ilang grupo ang nananawagan para sa pagsuspinde ng excise taxes sa mga produktong petrolyo dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo sa daigdig dahil sa pagsalakay ng Russia sa Ukraine.

Nauna nang nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ang mga excise tax sa gasolina na ipinag-uutos sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa kabila ng mga panawagan para sa pagpapaliban, at sinabing ang pagsususpinde sa panukala ay maaaring mabawasan ang mga kita ng gobyerno ng P105.9 bilyon.

Sa halip ay inaprubahan ni Duterte ang cash subsidies para sa mga apektadong sektor tulad ng mga transport driver at magsasaka.

Sinabi ni Marcos na kailangan aniyang balansehin ng gobyerno ang interes ng mga tao, lalo na ang mga sektor na pinakamahirap na naapektuhan, at ang kakayahan ng gobyerno na kumita.