-- Advertisements --

Pinuna ng ilang Makabayan bloc solons ang pag-apruba ng House Committee on Ways and Means kahapon sa panukalang amiyendahan ang National Internal Revenue Code para patawan ng 12 percent value-added tax ang mga digital transactions.

Ayon kina Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, dapat unahin ng pamahalaan ang paghahabol sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na ilang taon nang tinatakasan ang tax liabilities.

Naniniwala si Brosas na layon lamang ng pagpapataw ng buwis sa digital transactions tulad ng Netflix, Lazada at Spotify na ma-offset ang foregone revenues sa inaasahang corporate tax cuts sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Bill.

Marahil paraan na rin aniya ito ng pamahalaan para ipasa sa publiko ang pasanin sa pagbabayad sa P9-trillion foreign debt.

Iginiit ni Elago na dagdag pabigat lamang ito sa mga consumer lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic, na nagdulot ng malawakang tanggal-trabaho, kahirapan at krisis pang-ekonomiya.

Nangangamba si Elago na mapasama sa panukalang batas na ito ang e-learning at remittances ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Sa kabilang dako, nilinaw naman ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda na hindi kasama sa mga bubuwisan ang mga maliliit na negosyo gayundin ang publiko.

Ang hangad lamang aniya ng panukalang kanilang inaprubahan ay singilin ng malalaking nonresident companies na kumikita sa Pilipinas pero hindi nagbabayad ng buwis sa pamahalaan.

Kung ang malalaking kompanya aniya na tinamaan ng COVID-19 pandemic ay patuloy na nagbabayad ng 12 percent VAT, dapat ganito rin aniya ang gawin ng mga malalaking kompanya sa e-commerce.

“If your sales are below P3 million, you are exempt from paying or filing VAT. If your net income as a sole proprietor is below 250,000, you are exempt from paying and filing income taxes. So, the small Facebook online seller will not be taxed, I guarantee you.” Salceda added.

Base sa kanilang pag-aaral, 0.04 percent lamang ng lahat ng kita mula sa proposal na ito ay manggagaling sa bottom 20 percent ng populasyon.