-- Advertisements --

Tinatayang nasa 30 hanggang 40 katao ang pinangangambahang na-trap sa ilalim ng mga guho matapos gumuho ang isang tinitayong siyam na palapag na hotel sa Teodoro Street, Barangay Balibago, madaling-araw ng Linggo, Mayo 24.

Naganap ang pagbagsak ng konkretong istruktura, bandang alas-3:00 ng madaling-araw na agad namang nagbunsod ng isang malawakang multi-agency rescue operation.

Ayon kay Angeles City Information Officer Jay Pelayo, bagamat hindi pa malinaw ang eksaktong sitwasyon sa ilalim ng mga gumuhong semento, agresibo nang ipinatutupad ng mga awtoridad ang kanilang search plan.

Samantala, walong katao na mga dumadaan lamang sa lugar ang matagumpay na na-rescue.

Nagtamo ang mga ito ng mga gasgas, nakakalakad naman, at kasalukuyan nang nasa stable na kondisyon.

Maliban sa kanila, ligtas din na narescue ang project foreman at 10 sa kanyang mga construction workers.

Nasa pangangalaga na sila ngayon ng lokal na pamahalaan (LGU).

Batay sa salaysay ng foreman may mga kasamahan pa silang naiwan sa loob.

Personal na pinamumunuan ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr. ang on-site response kasama ang Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office (ACDRRMO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga lokal na opisyal ng barangay.

Sa kabila ng matitinding Peligro sa lugar, sinisiguro ng pamahalaang lokal ng Angeles City na gagawin nila ang lahat para ma rescue pa ang mga nawawalang indibidwal.

Kasalukuyang naglunsad na rin ang LGU ng imbestigasyon sa legal na katayuan at structural history ng gusali upang maberipika ang mga permit nito.