-- Advertisements --

Sinabi ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi na kailangan ng mga korte sa Pilipinas upang maipatupad ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Carpio na sakop ng international law ang crimes against humanity kaya maaari itong dinggin ng ICC kahit walang direktang aprubado mula sa lokal na hukuman.

Ayon sa kanya, nakasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas na kinikilala ng bansa ang mga pangkalahatang prinsipyo ng international law, kabilang ang pananagutan sa crimes against humanity.

Dagdag pa ni Carpio, anumang bansa o international tribunal ay maaaring magkaroon ng hurisdiksyon sa ganitong kaso dahil itinuturing itong krimen laban sa buong sangkatauhan.

Matatandaang ibinasura ng Korte Suprema noong Mayo 13 ang hiling ni Dela Rosa para sa temporary restraining order o TRO upang pigilan ang posibleng pagpapatupad ng ICC warrant laban sa kanya.

Para kay Carpio, ang hindi pag-isyu ng TRO ay indikasyon na maaaring ituloy ng mga awtoridad ang pag-aresto.

Ipinaliwanag din niya na sa ilalim ng Republic Act No. 9851, may kapangyarihan ang pamahalaan at ang pangulo kung isusuko sa ICC ang akusado o lilitisin sa Pilipinas.

Kaugnay nito, sinabi ni Carpio na hindi maaaring igiit ni Dela Rosa na sa Pilipinas lamang siya maaaring litisin.

Nahaharap si Dela Rosa sa warrant of arrest ng ICC kaugnay ng alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.