Nakitaan na ngayon ng pagbalik ng sigla ng turismo ang Isla ng Boracay sa harap ng niluwagang restrictions.
Ayon kay Malay tourism officer Felix delos Santos, may average na 2,000 hanggang 4,000 na ang mga pumapasok na turista bawat araw.
Dahil dito, nabuhayan aniya ng loob ang mga tourism frontliners at mga negosyante.
Muli na umanong naranasan ang pagsikipng daloy ng trapiko.
Inaasahang magtutuloy-tuloy na ang mataas na tourist arrivals dahil sa nalalapit na summer vacation.
Sa kabilang dako, batay sa datos umaabot sa 258 ang mga foreign tourists na pumasok sa Boracay simula noong Pebrero 12.
Balik-operasyon na rin ang mga seaports at aqua sports activities, subalit mahigpit na sinusunod ang 50% hanggang 70% na capacity.
Dagdag pa ni delos Santos na tinatayang aabutin pa ng limang taon bago lubusang makabangon ang Boracay mula sa pagkalugi.
Nabatid na umaabot sa P62 bilyon ang kita sa tourism receipts ng isla noong 2019 bago tumama ang pandemya.