-- Advertisements --
sibuyas

Unti-unti na raw nagbabalik-sigla ang bentahan ng sibuyas sa mga pamilihan ngayong dahan-dahan nang bumababa ang presyo nito.

Sa Mega Q Mart sa Quezon City nasa P280 na ang presyo ng kada kilo ng sibuyas.

Dahil bumabalik na ang demand ng mamimili, dinagdagan na rin ng mga nagtitinda ang supply ng sibuyas na kinukuha nila.

Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), nasa P110 hanggang P120 kada kilo ngayon ang farm gate price ng sibuyas.

Hindi naman lalampas sa P300 ang kilo nito sa merkado, kumpara noon na umaabot pa hanggang P600.

Sinabi ni Agriculture Spokesperson Kristine Evangelista, sa ngayon gumaganda na rin daw ang ani at tinitingnan pa kung ano pang mga ibang dahilan sa pagbaba sa farmgate price ng sibuyas.

Ang farmgate price daw kasi ang magiging batayan ng Department of Agriculture para sa retail price.

Kung magpapatuloy, maaari umanong hindi na tataas sa P250 ang kada kilo ng sibuyas pagsapit ng Pebrero.

Pero kung unti-unti namang bumaba ang presyo ng sibuyas, nagmahalan naman ang ibang produkto.

Samantala, tumaas naman ng nasa P2 ang kada piraso ng itlog sa ilang pamilihan.

Ayon sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), tumaas ang production cost ng itlog at apektado ang supply sa Metro Manila dahil sa pagtama ng bird flu sa ilang bahagi ng Luzon.