-- Advertisements --
subway1

Ngayon pa lamang ay todo paalala na ang Department of Transportation (DoTr) sa magiging epekto ng pagsasara sa Meralco Ave. sa Pasig City para bigyang daan ang malaking proyekto ng pamahalaan o ang subway project.

Isasara kasi ito sa Oktubre 3 at posibleng magtagal hanggang sa taong 2023 para bigyang daan ang construction ng Metro Manila Subway.

Ayon sa Department of Transportation (DoTr) ang pagsasara ng naturang lansangan ay kinabibilangan ng harap na bahagi ng Capitol Commons hanggang sa corner ng Shaw Boulevard.

Ang Meralco Avenue kasi ay magsisilbing access point ng naturang proyekto pa-Shaw Boulevard Station.

Dahil dito, inabisuhan na ang mga motorista na sundin ang alternate routes na ilalabas ng Metropolitan Manila Development Authority, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at local governments ng Pasig at Mandaluyong.

Ang mga public utility jeepneys (PUJs) mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay maililipat sa Captain Henry Javier St., patungong Danny Floro St.

Ang mga modernized jeepneys namang bumabagtas sa parehong ruta ay ililipat sa Dona Julia Vargas Avenue patungong San Miguel Avenue at vice versa.

Habang ang mga UV express vehicles ay ililipat naman sa Dona Julia Vargas Avenue patungong San Miguel Avenue o Anda Road pa-Camino Verde.

Ang lahat naman daw ng available routes ay accessible sa mga private vehicles.

Ang naturang subway project ay pinondohan ng Japanese government na mayroong habang 33 kilometers rail line mula Valenzuela City hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.

Layon ng naturang proyekto na maibaba ang travel time mula Quezon City hanggang NAIA sa isang oras at tatlumput limang minuto.

Dadaan naman ito sa walong lungsod sa Metro Manila kabilang na ang tatlong central business districts at makakapagserbisyo ng nasa 370,000 passengers araw-araw.