Naniniwala si Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na dapat isabay sa pagsusulong ng death penalty ang pagsasaayos naman ng judicial system sa bansa.
Ito ay sa gitna na rin ng agam-agam ng mga kritiko na magiging anti-poor ang parusang kamatayan sa oras na maipatupad muli ito dahil sa sitwasyon ng justice system sa ngayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Barbers na hindi maitatanggi na bukod sa pagkakaroon ng rogue policemen ay mayroon ding tiwaling judges at justices dahil sa korapsyon.
Kaya dapat “simultaneous” aniya sa parusang kamatayan ang cleansing naman sa hudikatura.
“They should cleanse their own ranks in the same manner that the policemen and other agencies are doing. Kahit nga sa Kongreso ay nagki-cleanse tayo eh,” ani Barbers.
Nababahala si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na dahil sa palyadong justice system ay hindi magiging deterent sa kriminalidad ang parusang kamatayan at magresulta lamang sa pagpaslang sa mga mahihirap na akusado na walang kakayahan na kumuha ng magaling na abogado.
Pero para kay Barbers sa pagbuhay lamang ng capital punishment mapipigilan ang paglaganap ng karumaldumal na krimen at maging ang pagpasok ng mga drugs syndicates sa bansa.
Hulyo 11 nang ihain ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ang House Bill No. 2026 na nagpapawalang bisa sa Republic Act No. 9346 o ang batas na nagbabawal sa pagpataw ng parusang kamatayan sa bansa.









