Kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan, hinikayat ni Governor Pamela Baricuatro ang mga Cebuano na magbuklod at ituon ang pansin sa kaunlaran sa halip na sa pulitikang nagdudulot ng pagkakawatak-watak.
Sa isinagawang seremonya kaninang umaga, binigyang-diin ni governor Baricuatro ang kahalagahan ng pagkakaisa sa gitna ng mga hamon at pagkakaiba-iba ng pananaw upang maisulong ang kaunlaran sa lalawigan.
“Today, perhaps one of the greatest ways we can honor our heroes is setting aside politics that divides communities and distracts us from progress. Cebuanos deserve leadership that unites rather than separates, that listens rather than attacks, and that focuses on solutions rather than noise,” saad ni Baricuatro.
Ayon sa gobernadora, ang diwa ng kalayaan ay hindi lamang pag-alala sa kabayanihan ng mga lumaban para sa bansa kundi pati na rin ang sama-samang pagkilos para sa ikabubuti ng mamamayan.
Nararapat din umano na manaig ang lideratong nagbubuklod, nakikinig, at nakatuon sa paghahanap ng mga solusyon sa halip na mga bagay na nagdudulot ng pagkakahati-hati.
Inihahalimbawa naman ng opisyal si Datu Lapu-Lapu bilang simbolo ng katatagan at katapangan sa pagharap sa mga pagsubok, kasabay ng panawagang panatilihin ang mga pagpapahalagang Cebuano gaya ng pagiging matatag, mahabagin, at handang makipagtulungan para sa kabutihan ng lahat.
“Because courage is choosing to stand firm despite fear. It reminds me that if our heroes faced far greater challenges for the sake of our people, then surely we can face our own with faith, determination, and love for Cebu. Most importantly, it reminds me that leadership is not about creating divisions; it is about bringing people together for a common purpose,” dagdag ng opisyal.
Samantala, tampok din sa pagdiriwang ang ceremonial release of doves bilang sagisag ng kapayapaan at kalayaan.
Sinundan ito ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Datu Lapu-Lapu bilang pagkilala sa kanyang mahalagang ambag sa kasaysayan at sa pakikibaka ng bansa para sa kalayaan.
















