DAGUPAN CITY — “Hindi makokompormiso ang polisiyang banyaga ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magiging “friend to all; an enemy to none,” ang Pilipinas sa pagsali nito sa 142 na mga bansa na nag-condemn sa Russia sa patuloy na pagsalakay nito sa Ukraine.”
Ito ang binigyang-diin ni Bombo International News Correspondent Atty. Arnedo Valera sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya na hindi ito nangangahulugan na hindi sumusunod ang bansang Pilipinas sa mga tuntunin na naka-base sa international law. Dagdag pa ni Valera na nabanggit din ng Punong Ehekutibo sa kanyang talumpati sa naganap na 77th United Nations General Assembly noong nakaraang buwan na kung saan ay nilinaw ng Pangulo na mahalagang bahagi ang Pilipinas sa international law-based order.
Kaya naman ang ginawang hakbang ng Pilipinas sa pagsuporta sa United Nations sa pagkondena sa Russia sa illegal annexation nito sa 4 na rehiyon sa Ukraine na kinabibilangan ng Luhansk, Donetsk, Kherson, at Zaporizhzhia, ay naayon lamang sa sinusunod na rule based international order ng bansa. Pagsasaad pa ni Valera na consistent ang resolusyon sa posisyon na ginawa ng pamahalaan ng Pilipinas noong kauna-unahan pa mang invasion sa Ukraine o ang Unlawful Aggressive Invasion na ginawa ng Russia noong February nitong taon.
Dagdag pa ni Valera na batid naman ng mga Pilipino kung papaano susuriin ang polisiyang banyaga sapagkat malinaw itong mababasa sa Saligang Batas partikular na sa Artikulo II, Section 2 kung saan ay nakasaad na “Itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang instrumento ng pambansang patakaran, tinatanggap ang pangkalahatang tinatanggap na mga prinsipyo ng internasyonal na batas bilang bahagi ng batas ng lupain at sumusunod sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay-pantay, katarungan, kalayaan, pakikipagtulungan, at pakikipagkaibigan sa lahat ng mga bansa.”
Gayunpaman ay binigyang-diin din ni Valera na pareho ring nakasaad sa Saligang Batas ang pagsunod sa independent foreign policy kung saan naman ay pinakamahalagang kinokonsidera ang national sovereignty, territorial integrity, at national interest.
Dito aniya lumalabas na ang invasion ng Russia sa Ukraine ay may paglabag sa national sovereignty at territorial integrity ng Ukraine.