Tinawag ni veteran litigator Atty. Lorna Kapunan na “payback time” o pagbabalik-serbisyo sa bayan ang paglahok nito bilang isa sa mga private prosecutors sa gaganaping impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Pangungunahan ni Kapunan ang sampung de-kalibreng private prosecutors mula sa tatlong malalaking law firm sa bansa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Nagboluntaryo ang grupo ni Kapunan na magsilbi nang pro bono o walang bayad upang gabayan at palakasin ang House prosecution panel.
Si Kapunan ang mangunguna sa unang batch ng sampung pribadong abogado mula sa Kapunan & Castillo Law Offices, PECABAR Law, at SALiGAL Law na boluntaryong tutulong sa House prosecution panel.
Binigyang-diin naman ni Atty. Amando Virgil Ligutan ng SALiGAL Law na dapat pairalin ang batas nang patas sa lahat, anuman ang katayuan o katanyagan ng apelyido.
Kinuwestyon nito kung bakit ang isang principal ay nakukulong ng 11 taon dahil sa P5,000, habang ang isang bise presidente ay hindi matatanggal sa pwesto sa kabila ng umano’y maling paggamit ng milyong-milyong pondo ng bayan.
Sinabi naman ni Atty. Marforth Fua ng PECABAR Law na magsisilbi silang gabay upang masigurong masusunod ang tamang proseso sa ilalim ng Konstitusyon, partikular sa pagbibigay ng suporta sa paglilitis at pagre-refresh sa mga House prosecutor pagdating sa mga kasalukuyang alituntunin ng korte.
Inaasahang pormal na papasok at magpapakita ang unang batch ng mga pribadong abogado sa Senate impeachment court kasabay ng paghahain ng House prosecution panel ng kanilang pre-trial brief sa darating na Hunyo 15.










