Naging matagumpay at produktibo ang nangyaring pagpupulong nina Cebu Gov. Gwen Garcia at Negros Oriental Gov. Manuel Sagarbarria kahapon, Hunyo 29, kung saan tinalakay ang mga isyu na parehong nakakaapekto sa lalawigan tulad ng swine trading dahil sa African Swine Fever (ASF).
Kaugnay nito, nakatakdang lumagda sa mga darating na araw ang dalawang lalawigan ng isang memorandum of agreement na magtatakda ng iisang protocols tulad ng biosecurity measures para mapadali ang pagpapalabas at pagpapapasok ng mga baboy at produktong baboy sa kani-kanilang teritoryo.
Si Sagarbarria ang unang local chief executive sa labas ng Cebu na sumang-ayon sa prinsipyo at tumugon sa imbitasyon ni Garcia para makagawa ng magkatulad na mga patakaran sa paghandle ng mga sakit sa baboy tulad ng ASF at hog cholera.
Ito rin ang unang pagkakataong bumisita si Sagarbarria sa Cebu Provincial Capitol halos isang buwan pa lamang nang maupo ito sa pwesto.
Sinabi pa ng gobernador na lubhang naapektuhan sa polisiya ng Bureau of Animal Industry ang kanyang mga nasasakupang nag-aalaga ng baboy at dismayado pa matapos bumaba sa P85 hanggang P90 kada kilo ang farm gate price ng mga live hogs dahil sa pagsara ng mga borders.
“I believe it is the correct and proper procedure. Once we do this, I’m sure other provinces will adopt such program. Pero, I will guarantee that we will strengthen, make it more stronger [biosecurity] which is our outmost importance, ” saad ni Sagarbarria.
Samantala, malugod namang tinanggap ni Garcia ang hakbang na ito ng Negros Oriental governor at muling pinaalalahanan ang iba pang local chief executives na laging itaguyod ang lokal na awtonomiya.