Kinondena at pinaiimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang kaso ng pagpatay at pagbaril sa isang radio broadcaster sa Negros Occidental.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nagtalaga at inatasan na niya ang tracker team sa lalawigan upang patuloy na hanapin ang mga suspek sa krimen.
Batay sa inisyal na ulat, nakatayo sa labas ng tahanan ang biktima nang lapitan ito ng isang puting sasakyan at tsaka binaril sa ulo na agad na naging dahilan ng pagkasawi nito.
Samantala, ayon naman kay PNP Spokesperson at Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuaño, bumuo na ng isang special task force ang pulisya para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente nang malaman na rin kung ano talaga ang motibo sa krimen na siyang iniuugnay sa ngayon sa trabaho nito bilang radio broadcaster o sa pagiging job order employee nito sa lokal na pamahalaan sa lugar.
















