-- Advertisements --

Nagpaalala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng pulis, kabilang ang mga content creator at aktibong gumagamit ng social media, na umiwas sa pakikisangkot sa usaping pulitikal at manatiling tapat sa kanilang mandato na magpatupad ng batas at panatilihin ang kaayusan sa bansa.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na walang puwang ang pulitika sa hanay ng kapulisan at hindi bahagi ng kanilang tungkulin ang makisangkot sa mga sigalot na pulitikal na kasalukuyang umiiral sa bansa.

Ayon kay Nartatez, dapat ituon ng mga pulis ang kanilang pansin sa pagpapatupad ng batas at sa pagbibigay ng seguridad sa publiko sa halip na makilahok sa mga debate at argumento sa social media.

Binigyang-diin ng PNP chief na bagama’t may karapatan ang mga ordinaryong mamamayan na magpahayag ng kanilang opinyon, iba ang sitwasyon ng mga pulis dahil anumang pampublikong pahayag nila ay maaaring maituring na posisyon ng buong organisasyon.

Dahil dito, hinimok ni Nartatez ang lahat ng personnel na magpakita ng disiplina at pagpipigil sa paggamit ng social media upang maiwasan ang anumang impresyon ng pagkiling sa alinmang kampong pulitikal.

Kasabay nito, nanawagan din ang PNP sa publiko na maging mapanuri sa impormasyong nakikita sa internet at iwasang magbahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon.

Matatandaang nagbabala rin kamakailan ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC laban sa pagkalat ng misinformation at disinformation na maaaring magdulot ng kalituhan at lalong magpainit sa umiiral na tensyong pulitikal sa bansa.

Sa huli, tiniyak ng PNP na mananatili silang nakatuon sa kanilang pangunahing tungkulin na pangalagaan ang kapayapaan at kaayusan at hindi makikisangkot sa anumang sigalot o bangayang pulitikal.