-- Advertisements --
PERCY

Ikinalungkot ng National Union of Journalist of the Philippines ang kaso ng pagpaslang sa radio commentator na si Percival Mabasa na mas kilala bilang si Percy Lapid, habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa gate ng kanyang bahay sa Talon Dos, Las Piñas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kath Cortez, vice chairperson ng National Union of Journalist of the Philippines, ang pagkamatay ni Lapid ay ikalawang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Saad nito na mula noong taong 1986 ay nasa 197 na kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag ang naitala na at iilan o mabibilang lang ang napatawan ng disisyon ng korte.

Nababahala tuloy siya sa magiging kinabukasan ng media community.

Panawagan ng grupo na agad na mabigyan ng hustisya si Lapid at iba pang mga biktima ng journalist killings. Inihalimbawa nito ang mga mamamahayag na kasamang napatay sa Maguindanao massacre na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ang hustisya.

Samantala, malakas ang hinala na posibleng dahilan ng krimen ang pagiging kritiko umano niya ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon.

Nababahala din ang NUJP na hindi malayong ang mga naglalabas ng mga balita na hindi kaaya aya o kritiko sa mga nangyayari sa kasalukuyang administrasyon ay nareredtag o ikinokonsiderang mula sa media nga makakaliwang grupo o media ng NPA.

Sa kasalukuyan ay may indignation rally na ginagawa ng iba’t-ibang media organization sa iba’t-ibang probinsya para ipanawagan ang hustisya sa mga pinaslang na mga journalist kabilang na dito si Lapid.

Matatandaan lulan ng kaniyang sasakyan ang broadkaster kung saan pagdating sa gate ng kanilang bahay sa Las Piñas City nang sumulpot umano ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo saka ito pinagbabaril.

Itinakbo pa ito sa pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Napag-alaman na magsasagawa na sana ito ng kaniyang online program bago mangyari ang pamamaril.