-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II ang pagpapalawig ng libreng theoretical driving course sa buong bansa para sa mga aplikanteng estudyante para makatipid ang mga ito ng pera habang nagsasanay na magmaneho.

Ayon sa LTO chief, hinikayat nito ang lahat ng LTO Regional Directors at District Office heads na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan partikular na sa barangay level para magsagawa ng libre pang driving course sa ilalim ng LTO outreach program.

Ang naturang driving course ay isa sa pangunahing requirements sa pag-aapply para sa driver’s license at ang libreng seminar dito ay nangangahulugan na makakatipid ng P1,000 ang mga aplikante na normal na binabayaran sa mga driving school.

Samantala, magsasgawa ng unang bugso ng libreng theoretical driving course sa Marikina city sa Pebrero 10 at 11 para sa mga interesadong residente ng 4 na barangay.