-- Advertisements --
image 226

Isinama sa panukalang batas laban sa workplace bullying na inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapakalat ng tsismis at maling impormasyon bilang isang uri ng offense.

Sa House Bill 8446 na akda nina ACT-CIS party-list Representative Jocelyn Tulfo at ng kaniyang anak na si Quezon City Representative Ralph Wendell Tulfo, ibinilang na isang uri ng office bullying ang pag-aalok, paglalathala, pagpapakalat ng tsismis, maling impormasyon laban sa sa isang employer o katrabaho.

Sa naturang panukala, maituturing na office bullying ang isang gawain kapag ito ay lumalabag sa karapatan ng iba sa lugar ng trabaho na nagdulot sa naturang empleyado ng takot sa physical o emotional harm o pinsala sa kaniyang pag-aari na humantong sa pagkaantala ng trabaho o maayos na operasyon ng isang institusyon o negosyo.

Isinama din sa panukala na ipinagbabawal sa workplace ang anumang hindi kaaya-ayang physical contact, paggamit ng masasakit na pananalita at name-calling, gender-based bullying at cyberbullying.

Kabilang dito ang hindi pagrespeto sa katrabaho, pagbabanta at intimidation, pag-agaw ng credit at pagkuha ng hindi patas na bentahe sa katrabaho at pagpigil sa katrabaho na magkaroon ng access sa workplace, career at office opportunities.

Sa naturang panukala, hinihimok din ang lahat ng mga tanggapan ng gobyerno at non-government na i-adopt ang mga polisiya upang matugunan ang isyu sa office bullying.