CAUAYAN CITY – Ang pagmamahal umano sa inang kalikasan ang nagtulak sa reigning Miss Tourism Isabela 2020 na katawanin ang probinsiya ng Isabela sa Miss Philippines Earth 2021.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Myra Yzabelle Rola, 22, tubong Aurora, Isabela, sinabi niya na hindi madali ang sumabak sa mga patimpalak pagandahan subalit dahil sa pagnanais niyang makatulong sa kalikasan ay nagpursige siyang maging kinatawan ng Isabela sa Miss Philippines Earth 2021 upang magkaroon ng boses at maisulong ang kanyang mga adbokasiya sa pangangalaga sa kalikasan.
Bilang kandidata ng Miss Philippines Earth 2021 ay nais niyang gamitin ang kanyang boses upang maisulong ang sustainable agriculture sa pamamagitan ng paggamit ng organic fertilizer at integrated farming.
Sa kasalukuyan ay abala si Rola sa paghahanda sa iba pang mga segment ng patimpalak maliban pa sa kanyang pag-ikot sa iba’t ibang farms sa Isabela.
Sinabi niya kung siya ang papalaring makaapag-uwi ng korona ay isusulong niya ang iba’t ibang programa na may kinalaman sa agrikultura at urban gardening.
Dahil sa kasalukuyang epekto ng pandemiya ay marami ang mas nagbigay ng pagpapahalaga sa mga magsasaka dahil ang pangunahin na kailangan ngayon ng tao ay pagkain.