VIGAN CITY – Sisimulan nang imbestigahan ng Department of Agriculture (DA) ang reklamong natanggap nito mula sa ilang consumer at meat vendors hinggil sa pagtaas ng presyo ng karneng manok sa merkado.

Batay sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo ng DA, nilinaw ng kagawaran na walang dahilan para magtaas ng presyo ang meat vendors pagkat wala pang naitatalang paggalaw sa farm gate price ng mga ito.

Aminado ang Agriculture department na tumaas ang demand sa poultry meat dahil sa takot ng ilang consumer sa African Swine fever ng mga baboy.

Kaugnay nito nilinaw ni DA Sec. William Dar na walang krisis sa suppy ng karne dahil backyard hog raisers lang ang apektado ng ASF virus.

Hindi umano apektado nito ang malalaking commercial hograisers dahil mas mahigpit ang kanilang bio-security measures.

Hinimok ng kalihim ang publiko na imbis na maniwala sa mga maling impormasyon ay makiisa na lang sa kanilang kampanya para mawala ang takot ng kapwa sa pagkain ng karneng baboy.

Una ng sinabi ng DA na walang epekto sa kalusugan ng tao ang karneng baboy na infected ng ASF.