ILOILO CITY – Aminado ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na may posibilidad na mayroong panibagong fault line sa Panay kasunod ng magnitude 4.8 na lindol sa Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Engr. Rey Antioquia ng PHIVOLCS-Roxas, sinabi nito na pinag-aaralan pa kung mayroon ngang panibagong fault line sa Panay.

Ayon kay Antioquia, tectonic in origin ang lindol at malapad ang scope nito ngunit wala namang aftershocks o tsunami alert na ipinalabas.

Sa bayan din aniya ng San Enrique, Iloilo ang sentro ng lindol taliwas sa unang impormasyon na sa Dumarao, Capiz.

Samantala, ang nangyari sa Iloilo ay inihambing naman ni Dr. Jerry Bionat, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, sa sinapit ng Mexico noong 1954.

Sa pahayag ni Dr. Bionat, kahit na walang fault line sa lugar ay maaari pa ring mangyari ang lindol dahil sa composition ng lupa na dahilan ng pagguho o paggalaw nito.