-- Advertisements --

Todo paglilinaw si Justice Sec. Menardo Guevarra na pansamantala lamang ang pananatili sa Marine barracks sa Fort Bonifacio ang ilang high-profile inmates, kabilang ang mga testigo sa drug cases ni detained Senator Leila de Lima.

Sinabi ng kalihim na inilipat ang mga naturang inmates para sa kanilang seguridad pero pansamantala lang naman daw ito.

Wala rin aniyang dapat ipangamba na ilalagay sa “first class accommodation” sa barracks ang mga naturang bilanggo.

Inamin naman ni Guevarra na may nakarating na impormasyon sa kanya ukol sa panukalang paglipat sa mga testigo laban kay De Lima sa Marine barracks.

Pero hindi raw niya agad nalaman na nangyari na pala ito o nailipat na ang mga preso.

Ang nasa 10 bilanggo ay mula sa Building 14 ng New Bilibid Prison (NBP) at ang transfer of confinement ay pirmado ng nasibak na Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanior Faeldon.