-- Advertisements --

Tiniyak ng isang lider ng House of Representatives na hindi umano nito titigilan ang isyu ng ginawang paglipat ni Sen. Imee Marcos ng P13 bilyong pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kaya may mga pamilya na hindi nakakuha ng ayudang ito.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at AKO BICOL Partylist Rep. Raul Angelo “Jill” Bongalon na wala itong plano na tigilan ang 4Ps issue dahil nasa 4.3 milyong mahihirap ang naapektuhan sa ginawang paglipat ni Sen. Marcos ng pondo sa ibang programa ng Department of Social Welfare and Development.

Sinabi ni Bongalon na “unfair and unreasonable” ang paglilipat ng pondo.

Dahil sa muling tatakbo sa paparating na halalan, sinabi ni Bongalon na maaaring nagamit ang inilipat na pondo sa pag-iikot ni Sen. Marcos sa iba’t ibang probinsya ng bansa.

Ayon kay Bongalon, umaabot na ngayon sa P9 bilyon ang kulang na pondo ng 4Ps dahil sa ginawang paglipat ni Sen. Marcos ng pondo na para sana sa ayuda ng mga mahihirap na pamilya noong 2023.

Ipinunto ng mambabatas na kung hindi umano inilipat ni Sen. Marcos ang pondo, wala sanang budget deficit sa 4Ps program.

Inamin naman ni Sen. Marcos na inilipat nito ang pondo bilang chair ng Senate finance sub-committee na may hawak ng budget ng DSWD.

Inilipat umano ng senadora ang pondo sa iba pang programa ng DSWD gaya ng supplemental feeding, Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS, Quick Response Fund para sa mga nasalanta ng kalamidad, at Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.

Ayon kay Bongalon ang paglilipat ng P13 bilyon pondo ay mayroong malaking epekto sa mga pamilya na hindi nakatanggap ng kanilang alokasyon sa ilalim ng 4Ps program.