LEGAZPI CITY – Ipinagbawal na ng lokal na pamahalaan ng Pio Duran sa Albay ang pagpunta sa bahagi ng Panganiran Mountain Ranges.
Sa nasabing kabundukan kasi naitala ang nangyayaring soil erosion o pagguho ng lupa partikular na sa boundary ng Barangay Flores at Panganiran.
Ayon sa Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head na si Noel Ordoña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa inilabas na Executive Order No. 5 series of 2022 ni Mayor Alan Arandia ay hindi muna pahihintulutan ang pagbisita lalo na ng mga turista, gayundin ang pagtatanim at maging ang pagdala ng hayop sa naturang lugar.
Batay sa huling inspeksyon ng MDRRMO, patuloy ang pagguho ng bundok na ngayon ay halos putik na kung kaya mabilis ang pagbagsak ng lupa.
Napag-alamang taong 2006 nang unang maiulat ang soil erosion sa lugar subalit ngayon lang naitala ang matinding sitwasyon.
Sinusuri na ito ng MDRRMO kasama ang Department of Environment and Natural Resources at Mines and Geosciences Bureau.
Abiso ni Ordoña sa publiko na iwasan na ang paglapit sa lugar dahil labis na itong delikado at mahigpit din na pinababantayan lalo’t tatlong kilometro lang ang distansya nito sa isang tourist destination na Buhawi hills.