-- Advertisements --

Mahigit na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Manila ang paglangoy sa Dolomite at Baseco beach sa lungsod.

Ito ang mahigpit na ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan lalo na ngayong matindi ang init ng panahon na nararanasan sa bansa.

Aniya, naiintindihan niya ang kagustuhan ng ilan sa ating mga kababayan na natutuksong lumangoy sa naturang mga beach ngunit binigyang-diin niya na hindi ito maaari.

Ito ay sa kadahilanang nananatili pa rin kasing hindi ligtas ang kalidad ng tubig sa naturang mga beach.

Bagama’t bumaba na kasi aniya ang lebel ng fecal coliform sa naturang lugar ay hindi pa rin ito ligtas para paglanguyan ng isang tao.

Ayon sa Food and Drug Administration, ang fecal coliform ay isang uri ng bacteria na naikita sa tubig at nakakasama sa kalusugan ng tao kapag sumobra.

Bukod dito ay ipinunto rin alkalde na may mga pagkakataon din na may mga basura pa ring naaanod patungo sa mga dalampasigan ng Dolomite at Baseco beach nang dahil sa lakas ng agos ng tubig.

Kung maaalala, una nang tinarget noon ng dating administrasyong Duterte na gawing “swimmable” ang Dolomite at Baseco beaches Pagkatapos itong isailalim sa rehabilitasyon ng pamahalaan.