Papahintulutan na ang paglalayag ng ilang sasakyang pandagat kahit pa signal no.1 sa ilalim ng ilang kondisyon.
Ito ay kasunod na rin ng nirepasong existing guidelines na nagbabawal sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat mula sa paglalayag kapag nakataas ang signal no.1 sa port of origin, rutang dadaanan at destinasyon.
Kung kayat inaasahan ng Philippine Coast Guard (PCG) na mababawasan ang bilang ng mga stranded na mga pasahero at mahabang pila sa mga pantalan tuwing may bagyo.
Base kasi sa isinagawang assessment, napag-alaman ayon kay Capt. Jomark Angue, Deputy Chief ng Coast Guard Staff for Maritime Safety Services, matinding naapektuhan ang ekonomiya at kabuhayan lalo na ng mga naninirahan sa mga island municipalities sa tuwing magkakansela ng biyahe sa dagat dahil sa masamang lagay ng panahon.
Sa ilalim ng nirebisang polisiya, pinapayagan ng maglayag ang ilang klase ng barko kahit signal no.1 depende sa laki ng barko at depende sa characteristics ng ruta na dadaanan.
Para sa RORO vessels na papayagang bumiyahe ay dapat na hindi lagpas sa 75% ang awtorisadong cargo capacity habang sa passenger at cargo vessels, babawasan din ang bilang ng maaaring isakay at required ang mga pasahero na magsuot ng life jackets bago ang departure hanggang sa kanilang port destination.
May ilang lugar din na pinapayagan gaya ng main supply route at short distance voyages.
Tinukoy ng PCG ang main supply routes sa Eastern Visayas, Central Visayas, Western Visayas Southern Tagalog Northern Mindanao, at Eastern Mindanao habang sa special areas naman para sa short distance voyages.
Gayunpaman, hindi susundin ang regular na schedule ng biyahe kundi sa araw lamang kung saan ay maganda ang visibility upang hindi malagay sa panganib ang mga sasakyang pandagat at mga lulang pasahero.