-- Advertisements --

Ginisa ng mga kongresista ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways hinggil sa timeline ng kagawaran sa construction ng mga bicycle lanes sa buong bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, tinanong ni Minority Leader Joseph Stephen Paduano ang DPWH hinggil sa construction ng bicycle lanes sa National Capital Region.

Ayon kay Paduano, 4 percent lamang ng bicycle lanes sa Metro Manila ang natatapos ng DPHW.

Maging si Transportations chairman Edgar Mary Sarmiento ay ganito rin ang sentimiyento.

Sinabi nina Paduano at Sarmiento na sa 338 kilometers bike lane sa Metro Manila, 300 kilometers pa ang hindi natatapos.

Nabatid na target ng DPWH na matapos ang construction ng bike lanes na ito hanggang Hunyo, pero ayon kina Paduano at Sarmiento tila malabo na ito mangyari.

Dumipensa naman si DPWH-NCR assistant director Judy Cordon at sinabi na tanging 13.8 percent lamang ng bicycle lanes ang natapos dahil ilang serye ng konsultasyon ang kanilang isinagawa sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Nangako naman ito na sisikapin nilang matapos ang construction na ito sa loob ng tatlong buwan.