Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang paglaganap ng mga barko ng China na iligal na nagsasagawa ng dredging sa Pilipinas.
Inihain ng grupo ang House Resolution 1528, para ipasiyasat sa House Committee on Natural Resources ang naturang usapin.
Enero 29 ng taong kasalukuyan nang sinita anila ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Bureau of Customs (BOC) ang MV Zhonhai 68, isang Chinese dredger na nasa ilalim ng Sierra Leone flag.
Mahigit isang taon na kasi itong nananatili sa karagatang sakop ng Pilipinas makalipas nang una itong sinabihang umalis.
Ayon sa Makabayan block, huling namataan ang dredging ship na ino-operate ng HK Weifeng Hangyu Co. Ltd. sa layong 13 km southwest ng Orion Point sa probinsya ng Bataan.
Hindi anila ito unang pagkakataon na nahuli ang mga Chinese-manned dredging ships na nagsasagawa ng iligal na aktibidad sa Pilipinas.
Mula noong 2017 kasi, ilang reports ang kanilang natanggap hinggil sa illegal Chinese dredging activities sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ikinaalarma anila ito ng mga residenteng naninirahan sa mga lugar na ito dahil sa epekto ng dredging sa kalikasan pati na rin sa kanilang kabuhayam.
Bukod dito, napaulat din na ang mga nakukuhang materyal sa mga operasyon ay ginagamit umano sa pagbuo ng artificial islands sa West Philippine Sea.
Iginiit ng Makabayan bloc na kawalang respeto ito sa soberenya at teritoryo ng ating bansa.