Makikipag-ugnayan ang House Committee on Appropriations sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para malaman kung saan kukuha at kung paano mapopondohan ang itinutulak na Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3).
Sa mensaheng ipinadala ng chairman ng komite na si ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap sa Bombo Radyo, sinabi nito na kakausapin pa nila ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) hinggil sa funding requirement ng isa pang economic stimulus na nakapaloob sa ilalim ng House Bill No. 8628.
Pebrero 4, 2021 nang inihain nina Speaker Lord Allan Velasco at Marikina Rep. Stella Quimbo ang naturang panukala, na magpapahintulot sa pamahalaan na gumamit ng P420-billion para sa pagkamit ng “genuine” economic recovery ng bansa.
Ayon kay Yap, suportado niya ang panukalagng batas na ito lalo pa hanggang sa ngayon ay ramdam pa rin ng karamihan ang negatibong epekto ng COVID-19 pandemic.
“Bayanihan 3 will allow our country to stand back on its feet faster,” giit ni Yap.
“The bill is still pending first reading as of this morning and we will have a clearer picture once it is formally transmitted to the appropriate Committee,” dagdag pa nito.










