Hiniling ni House Ways and Means committee chairman Joey Sarte Salceda sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na payagan ang mga OFWs na makakuha ng Tax Identification Numbers (TINs) sa online.
Kasabay nito ay hiniling din ni Salceda kay BIR Commissioner Caesar Dulay na ipaalam sa kanyang komite sa Kamara kung mayroon mang mga tax administration rules at regulations na nagsisilbing balakid para maabot ang full digitalization sa buong proseso.
Ayon kay Salceda, hindi naman nakasaad sa National Internal Revenue Code na dapat may personal appearance sa pagkuha ng TIN.
Kaya naman ang dapat gawin ngayon ng BIR ay gayahin ang ginagawa ng Securities and Exchange Commission (SEC) na digital na ang proseso sa pagpaparehistro ng mga kompanya.
Isa sa mga problema na nakikita ni Salceda sa hindi pa ring fully-digital na proseso sa pagkuha ng TIN ay ang limitasyon na kinakaharap ng mga OFWs sa pag-invest ng kanilang pera sa stock brokerage.
Iginiit ni Salceda na mahalagang gawing madali ang prosesong ito gayong maituturing na “sleeping giant” ang mga OFWs pagdating sa pag-i-invest sapagkat nasa P28 billion na remittances ang ipinapasok ng mga ito sa bansa.
“Registration of Taxpayer Identification Number (TIN) is the most basic step to ensuring that a taxpayer is able to pay taxes on his taxable activities,” ani Salceda.
“TINs are particularly crucial for small investors who seek to invest their money in the stock market. Overseas Filipino Workers (OFWs) may be particularly interested in investing in Philippine stocks as a means for preparing for their return to the country and to secure the future of their family,” dagdag pa niya.
Nakuha ni Salceda ang ideya na hilingin nang pormal sa BIR ang pagpapa-digital sa pagkuha ng TIN mula sa naging obsersbasyon ng Abacus Securities Corporation.