-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umalma si Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa national government agencies dahil umano sa pagpapahirap sa mga local government units hinggil sa mga patakaran na kailangang sundin sa pagtulong sa mga apektado ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Treñas, sinabi nito na maraming requirements na hinihingi ang Department of Education at Department of the Interior and Local Government upang magamit ang mga paaralan sa lungsod upang gawing isolation facility ng mga persons under monitoring (PUM).

Ayon sa alkalde, kabilang sa mga hinihinging requirement ng national government agencies ay ang certification na nagpapatunay na wala nang lugar na maaring magamit ng mga pasyente at kailangan din ang Memorandum of Understanding. 

Ani Treñas, sobra-sobra na kung kailangan pa niyang lumuhod upang magamit ang mga eskwelahan bilang isolation facility.

Dahil dito, nagdesisyon ang alkalde na ilipat na lang ang mga PUM’s sa Iloilo City Jubilee Hall.

Dagdag pa nito, ayaw na niyang humingi pa ng tulong kay Presidente Rodrigo Duterte at susundin na lamang niya ang mga utos ng nasabing ahensya dahil pagod na ito.