-- Advertisements --

Naghain ng magkakahiwalay na resolusyon si Sen. Christopher “Bong” Go upang kilalanin ang mga kamakailang tagumpay ng mga atletang Pilipino sa larangan ng tennis, athletics, at gymnastics.

Binigyang-diin ni Go, na siya ring Chairperson ng Senate Committee on Sports, na ang mga tagumpay nina Alexandra “Alex” Eala, Ernest John “EJ” Obiena, at Carlos Yulo ay patunay ng lalim ng talento ng mga Pilipino at nagpapatibay sa panawagan para sa mas matatag na grassroots sports development sa bansa.

Partikular na binigyang-pansin ni Go ang makasaysayang kampanya ni Eala sa 2026 Wimbledon Championships, kung saan siya ang kauna-unahang Filipina na nakapanalo ng women’s singles main-draw match at unang Pilipino sa Open Era na umabot sa ika-apat na round ng torneo. Natalo ni Eala ang Mexican player na si Renata Zarazúa at ang defending champion na si World No. 3 Iga Świątek bago siya tinalo ni Jasmine Paolini sa Round of 16.

Samantala, kinilala rin ni Go ang back-to-back gold medals ni EJ Obiena sa outdoor athletics season. Nagtala si Obiena ng panalo sa Poland matapos lampasan ang 5.72 meters at muling nagwagi sa Austria nang makapagtala ng bagong meet record na 5.75 meters.

Hindi rin nakaligtaan ni Go ang panalo ni Carlos Yulo sa men’s floor exercise sa 2026 Asian Men’s Artistic Gymnastics Championships sa Zunyi, China, kung saan nakapagtala siya ng 14.700 points upang masungkit ang gintong medalya.

Ayon kay Go, ang mga tagumpay ng tatlong atleta ay hindi lamang nagbigay ng karangalan sa bansa kundi nagsilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino.

Aniya, “Malaking karangalan po para sa ating bansa ang ipinakita nina Alex Eala, EJ Obiena, at Carlos Yulo. Ipinakita nila na kayang makipagsabayan ng atletang Pilipino sa pinakamataas na antas kung may disiplina, tiyaga, at tamang suporta.”

Binanggit ng senador na dapat palakasin ang grassroots sports programs upang matulungan ang mga kabataan na mahasa sa murang edad.

Dagdag pa niya, ang sports ay hindi lamang tungkol sa medalya kundi mahalagang kasangkapan para sa kalusugan, disiplina, pangarap, at mas magandang kinabukasan ng mga Pilipino.