Pina-iimbestigahan sa Kamara ni House Committee on Natural Resources Chairman at Cavite Representative Elpidio Barzaga ang napaulat na pagkasira sa Sierra Madre Mountain Range.
Sa House Resolution No. 430 na inihain ni Barzaga nais nito mabatid kung ano ang dahilan ng pagkasira ng Sierra Madre Mountains at hanapan ng paraan para ito ay matugunan.
Naniniwala si Barzaga na mahalaga na maimbestigahan ito in aid of legislation para magawan ng mga kaukulang hakbang para maproteksiyunan ang kabundukan ng Sierra Madre at tinaguriang “Mother Mountain Range” para maiwasan na magkaroon ng malawakang pagbaha sa ibat ibang bahagi ng bansa gaya ng nagdaang super typhoon Karding.
Binigyang-diin ni Rep. Barzaga na dapat agad na matukoy kung ano ang sanhi ng pagkasira ng Sierra Madre Mountain Range, kung ito ay sanhi ng illegal logging, gold mining, limestone mining, quarrying, deforestation at dam construction.
Dagdag pa ng administration lawmaker dapat din na makumpirma kung may kaukulang permits mula sa mga concerned government agencies ang mga nasa likod ng mga nasabing physical activities.
Dapat din magpaliwanag ang DENR kung naisyuhan ng permit at pinayagan ang mga nabanggit na operasyon.
Tinatawag na “backbone of Luzon” ang Sierra Madre Mountains na siyang longest mountain range ng Pilipinas at nagsisilbing “natural shield” laban sa mga bagyo at baha.
Ang watershed nito ang sumusuporta sa water system ng Luzon, Cagayan Valley at Metro Manila.
Binigyang-diin ni Barzaga naging proteksiyon ang Sierra Madre Mountains sa paghagupit ng super typhoon Karding, bagyong Ompong, bagyong Lawin at Karen.
“It is home to flora and fauna including the Philippine eagle and the golden-crowned flying fox. It is also home to 15 different indigenous peoples holding Certificate of Ancestral Domain Titles or ancestral domain claims groups,” pahayag ni Barzaga.