Suportado ng Commission on Elections (Comelec) ang inihaing petisyon ng isang kinatawan ng government anti-insurgency para kanselahin ang partylist registration ng Gabriel Women’s Party.
Ito ay dahil lumabag daw sa election law at Saligang Batas ang nasabing grupo.
Sa isang kautusan noong Nobyembre 27 na nilagdaan ni presiding Commissioner Socorro B. Inting, pinanigan ng Second Division ng Comelec ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil mayroon umano itong legal standing upang maghain ng petisyon para i-void ang registration ng Gabriela partylist.
Tumatanggap daw kasi ng pondo mula sa gobyerno ng ibang bansa ang Gabriela at General Assembly of Women for Reforms at ginagamit ito para suportahan ang mga terorista sa bansa.
Alinsunod sa Section 8 Rule 32 ng Comelec Rules of Procedures, sa oras na mapatunayang totoo ang hinaing laban sa isang partylist ay kaagad kakanselahin ang kanilang partylist registration matapos ang gagawing pagdinig.
Nag-ugat ang naturang kaso mula sa dokumento na pinamagatang “Overview of Non-Government Actors in the Philippines-Program 2017-2021,” na isinapubliko ng Ministry of Foreign Affairs ng Kindgdom of Belgium sa mga delegates ng Pilipinas sa ginawang pagpupulong sa Brussels noong Pebrero ng nakaraang taon.
Sa nasabing dokumento ay napag-alaman na ang gobyerno ng Belgium ay pinopondohan ang mga nasabing partylist sa pamamagitan ng mga accredited non-government organizations (NGOs), partikular na ang G3W o mas kilala bilang Viva Salud.
Nakasaad din sa report ng Anti-Money Laundering Council na noong 2012-2016 ay nakatanggap umano ng mahijgit P22.7 million ang mga nabanggit na partido.
Ang ginawa raw na ito ng Gabriela at General Assembly of Women for Reforms ay direktang paglabag sa Saligang batas ng Pilipinas.
Ginagamit din umano ng Gabriela ang kanilang nalilikom na pera upang bumili nga mga armas at bala para sa CPP-NPA.