GUIHULNGAN CITY, NEGROS ORIENTAL -Malaking kawalan sa New People’s Army(NPA) ang pagkamatay ng isang lider nito sa pakikipagsagupaan sa tropa ng pamahalaan noong Lunes sa Sitio Banderahan, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental.
Ito ang inihayag ni Lieutenant Colonel William Pesase Jr, Commanding Officer ng 62nd Infantry Unifier Battalion sa ekslusibong panayam ng Star Fm Cebu.
Nakilala ang nasawi na si Victoriano Baldonado, alyas “Rudy,” 34 anyos na sinasabing commanding officer ng Section Guerrilla Unit 3 (SGU3), Central Negros Front 1 na nag-operate sa tri-boundaries ng Guihulngan City at Canlaon City sa Negros Oriental at Moises Padilla sa Negros Occidental.
Narekober sa encounter site ang isang M16 rifle at tatlong magazine na may mga bala.
Sinabi pa ni Pesase na ito na ang ikalawang engkwentro nila sa mga rebeldeng grupo ngayong buwan at pampito mula noong buwan ng Oktubre.
Dagdag pa nito na ang grupo ni Baldonado ang responsable sa pangharass at paglabag sa karapatang pantao sa isla ng Negros.
Samantala, tinawag na “fake news” ng opisyal at walang katotohanan ang pinapakalat na impormasyon ng makakaliwang grupo na may nasawi sa panig ng mga sundalo.
“Hindi namin pweding itago kung may casualty ng sundalo kasi meron tayong responsibility at saka accountability hindi lang sa higher officers namin, sa panig din niya at saka sa mga tao din sa area. So, hindi yan totoo na mayroong casualty sa tropa namin,” saad ni Pesase.