Pinaiimbestigahan ng tatlong kongresista ang pagkamatay ng curfew violator na si Darren Penaredondo matapos na pinag-push up raw ito ng 300 beses ng mga pulis bilang parusa.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1697 na kanilang inihain, sinabi nina Bayan Muna Reps. Eufemia Cullamat, Carlos Zarate, at Ferdinand Gaite na ang reklamo nang pang-aabuso ng mga pulis laban sa mga lumalabag sa quarantine violators ay hindi na bago.
Kung tutuusin aniya, sa unang mga buwan ng lockdown noong nakaraang taon, ilang mga rights groups ang nagpahayag ng kanilang pagkondena laban sa hindi makatarungan na parusang ipinapataw ng mga pulis laban sa mga quarantine violators.
Kabilang na sa mga reklamong ito ay ang pagkulong ng mga pulis sa Laguna sa mga nahuling curfew violators sa loob ng kulungan ng aso, at pagpapainit sa mga ito sa tirik na araw sa Paranaque.
Bagama’t ayon sa mga medical professionals ang pagkamatay ni Penaredondo ay dahil sa stroke bunsod ng hypertension, maari namang naging factor dito ang physical activities na ipinagawa sa biktima, ayon sa mga kongresista.
Kaya naman mahalagang masilip aniya ng Kongreso ang issue na ito para madipensahan din ang mga karapatan ng publiko at mapanagot ang mga nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Magugunitang sinibak na sa puwesto ang police chief ng General Trias sa probinsya ng Cavite at dalawang iba pang police officers kasunod nang pagkamatay ni Penaredondo.










