KALIBO, Aklan — Ipinagmalaki ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagkakabilang sa Isla ng Boracay sa ‘50 world’s greatest places of 2022’ ng Time magazine.
Ayon kay DENR OIC Secretary Ernesto Adobo, Jr. ang pagkilala mula sa isang award-winning publication ay patunay na nagtagumpay ang paglilinis at rehabilitasyon sa Boracay sa ilalim ng Duterte administration.
Kinilala ni Adobo na dating BIATF Secretariat head, ang pamumuno ni dating DENR Secretary at Task Force Chairman Roy Cimatu, mga co-chair na sina dating Secretaries Eduardo Año ng DILG at Bernadette Romulo-Puyat ng DOT sa matagumpay na pagsasaayos ng isla.
Nabatid na noong Mayo 8, 2018 nagpalabas si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order 53 na bumuo sa Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na siyang mamamahala sa isla lalo na ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas at ordinansa upang mapangalagaan ang paligid.
Sa Hulyo 25 hanggang Agosto 1 na issue ng Time magazine, isinama ang naturang isla sa 50 “top spots to visit this year” sa buong mundo.