Iminungkahi ng dating food Czar na si dating Sen. Kiko Pangilinan na magkaroon ng call center ang National Food Authority (NFA) para maging sumbungan ng publiko para sa mga hindi sumusunod na price cap sa bigas.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtakda ng hanggang P45 per kilo lamang ang presyo ng bigas sa merkado.
Para kay Pangilinan, mahalagang magkaroon ng maayos na monitoring ang pamahalaan, kung seryoso silang ipatupad ang kampanya laban sa hoarders, smugglers at mga abusadong negosyante.
Paliwanag pa ng dating Food Czar, mahalagang ma-maximize ang lawak ng sakop ng NFA para sa monitoring at enforcement ng pinaiiral na price ceiling.
Para naman sa grupong Bantay Bigas, mahalagang maipakitang may napapanagot mula sa mga mapagsamantalang hoarder at hindi pawang programa lamang ang nailulunsad ng gobyerno na hindi naman nararamdaman ng publiko ang epekto sa mga komunidad.