Pagkakaroon ng hiwalay na review sa K to 12 program, hinihikayat ng mga kongresista
Unread post by bombodagupan » Mon Jan 23, 2023 11:23 pm
BOMBO DAGUPAN – Hinihikayat ng mga kongresista ang House of Representatives na magsagawa ng sariling review ukol sa epekto ng implementasyon ng K to 12 program.
Ayon sa panayam kay Representative Raoul Manuel ng KABATAAN Partylist, nais nilang isulong ito dahil maraming mga estudyante at mga magulang ang naghihintay.
Hindi umano naramdaman ng mga kongresista ang isinagawang pag-aaral ng Department of Education (DepEd) ukol dito dahil hindi umano malinaw kung talagang nakunsulta ng mga ito ang mga estudyante, mga magulang at mga guro.
Saad pa ni Manuel na pagkakataon na sana iyon ng DepEd upang makuha ang sentimyento ng pangkalahatan ngunit mukhang sa mga piling estudyante lamang sila kumunsulta.
Nabigyan na aniya ng panahon ang K to 12 program upang patunayan ang epekto nito ngunit nakita nila sa kanilang pag-aaral na ang mga nasa ika-apat na baitang pa nga lang ay napakataas na ng learning poverty kung saan 9 out of 10 sa mga ito ang hindi pa marunong magbasa.
Kung sa ganitong baitang pa lamang daw aniya ay hindi pa marunong magbasa ang mga estudyante, paano na kung tumuntong na ang mga ito ng high school.
Komento pa ni Manuel na parang nagdagdag lang daw umano ang gobyerno ng mga estudyanteng magsisipagtapos ng naturang programa ng hindi pa agad makakahanap ng trabaho at pagtungtong naman ng mga ito sa kolehiyo ay maaaring hindi pa rin sapat ang kanilang kakayanan.
Kaya’t ang naging mungkahi niya rito na kaysa pumantay ang bansang Pilipinas sa edukasyon ng ibang bansa na di hamak naman aniyang mas maganda ang kalidad, ay parang pinadami lang umano ang mga kabataang hindi handang magkolehiyo.
Ang indikasyon nito dahil hindi rin naman natupad ang pangako noon ng gobyerno na makakapagtrabaho na ang mga nagsipagtapos ng Senior High School, naiisipan na lamang ng mga itong tumungo sa ibang bansa upang doon na lamang magtrabaho.
Dagdag pa nito na may mga ibang kongresista rin ang kumukwestyon sa epekto ng implementasyon ng k to 12 program kaya’t dito pa lamang aniya ay mayroon talagang problema na sa lalong madaling panahon ay dapat na maimbestigahan.
Samantala dahil sa mababang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, umapela naman si Senator Sherwin Gatchalian sa istriktong pagpapatupad ng batas na Anti-Bullying Act of 2013 bilang tugon sa lumalalang insidente ng bullying sa bansa na iniugnay sa mababang performance ng mga mag-aaral sa bansa.
Komento naman dito ni Manuel na malaki ang epekto nito sa self esteem ng mga estudyante at sa kanila mismong pag-aaral dahil nagsisilbi itong distraction para sa kanila.