Naniniwala ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na posibleng maisakatuparan ang pagtatayo ng dialysis service facilities sa lahat ng government hospitals sa buong Pilipinas.
Ayon kay PhilHealth senior manager for corporate communications Rey Baleña, ito ay posible sa ilalim ng Universal Health Care law.
Aniya, hindi malayong mangyari ang pagtatatag ng mas maraming mga dialysis centers sa bansa dahil sa mas malawak na sakop ng naturang batas kung saan whole of the nation naman aniya ang approach ng pamahalaan pagdating naturang usapin.
Bukod dito ay idinagdag din niya na ang Philhealth ay handang tumulong sa pag a-accredit at pagbibigay ng mga benefits ng mga pasyenteng magpapa-dialysis sa mga centers na maitatatag sa pamamagitan ng nasabing panukala.
Matatandaang una rito ay nagpahayag na rin ng suporta ang Department of Health ukol dito ngunit kasabay nito ay nagpahayag din ang kagawaran ng bahagyang pagkabahala para sa mga maliliit na ospital na posibleng mabigatan sakaling ipatupad na ito sa bansa.
Samantala, sa ngayon ay patuloy pa ring pinag-aaralan ng Department of Budget and Management ang proposal na Php26 million na budget para makapag set up ng mga dialysis center, at Php8 million naman ang tinatayang halagang kakailanganin para sa annual maintenance nito.