-- Advertisements --

Binatikos ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang pagkakatalaga ng mas marami pang tagapagsalita para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Magreresulta lamang kasi aniya ito sa mas pinaigting pang vilification campaign, terror-tagging at pagpapakalat ng fake news laban sa mga union, guro, at aktibista.

Masyado aniyang marami ang pagkakaroon ng walong tagapagsalita para lamang sa isang task force na hindi naman maituturing bilang constitutional agency.

Hindi rin aniya ito kaiangan lalo pa ngayon panahon ng pandemya, kung saan dapat mas itinututok ng pamahalaan ang atensyon nito sa pagpapalakas ng healthcare system at information dissemination sa kung paano mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

“Hindi kailangan ng mamamayang Pilipino ng mas maraming nagkakalat ng pananakot, at pambibintang na  walang basehan lalo na sa panahon ng pandemiya,” dagdag pa ni Castro.

Kaya ang mas mainam pa rin aniyang hakbang na dapat gawin sa ngayon ng pamahalaan ay ilipat na lamang ang P19 billion na pondo ng NTF-ELCAC sa health, economic at education social services para matulungan ang mga Pilipinong apektado ng pandemya.