
Desididong ipagpatuloy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mahigpit na paninindigan laban sa ilegal na droga ng nakaraang administrasyon.
Ito ang inihayag ni Surigao del Norte 2nd district Rep Robert Ace Barbers bilang reaksyon sa pagkakatuklas at pagsalakay ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang laboratoryo ng ‘shabu’ sa loob ng Ayala Alabang Village.
Dagdag pa niya na ang walang humpay na kampanya ng mga law enforcers laban sa mga iligal na droga ay nagpapatunay na ang administrasyong Marcos ay seryoso sa pagpapatuloy ng krusada upang palayain ang ating bansa mula sa banta nitong kasamaang sumisira sa ating mga pamilya at lipunan.
Si Barbers ang namuno sa House Committee on Dangerous Drugs.
Binati rin ng beteranong solon si PDEA Officer-in-charge Gregorio Pimentel para sa isang “job well done”, at nagpasalamat sa kanya para sa pagkadakip sa mga suspek.
Hinimok niya ito na magsagawa ng follow up operations at alamin kung paano nakapasok sa loob ng bansa ang mga precursor ng iligal na droga na ito.
Magugunitang, ilang beses nang sinabi ni Marcos bago at pagkatapos ng kanyang halalan bilang pangulo noong Mayo 2022 election na ipagpapatuloy niya ang kaniyang paninindigan ng nakaraang Duterte administration laban sa ilegal na droga.









