Overjoyed at confidence booster sa career.
Ito ang paglalarawan ni Engr. Byron John Gillana, na tubong Mati, Davao Oriental matapos nag Top 8 sa inilabas na 2024 Electronics Engineering Licensure Examination.
Si Gillana na nagtapos sa University of San Carlos ay nakakuha ng 87.5% rating.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Gillana, sinabi nitong masayang-masaya siya dahil nagbunga ang lahat ng kanyang pinaghirapan.
Hindi pa aniya inakala nitong mapasali sa Top 10 at tanging ipinagdarasal lamang nito ang makapasa.
Si Gillana na ipinanganak sa Cebu ngunit lumaki sa Davao Oriental ay labis ang tuwa matapos malaman ang resulta at siyang natatanging Cebuano na pasok sa may pinakamataas na rating.
Ibinahagi pa nito na pinakamalaking hamon na kanyang pinagdaanan sa buhay ay nang ma-diagnose siya ng cancer noong 2022.
Sumailalim pa siya sa treatment at naisipang magpause muna sa pag-aaral ngunit sa kabutihang palad ay na-encourage ng kanyang mga kaklase at propesor.
Sinabi pa ni Gillana na maraming mga sandali na naghihirap ito dahil sa karamdaman ngunit sa tulong aniya ng kanyang pamilya ay nalagpasan ito.
Dagdag pa nito na na-delay siya ng isang semester pero nagtapos pa rin bilang Cum laude at nag-aral ng mabuti para sa board exam.
Payo naman nito sa mga mag-aaral lalong-lalo na ang mga magtake ng board exam na magtiwala lang sa sarili, maging masipag sa pag-aaral at magkaroon ng disiplina.