Kinatigan ng Makati City Regional Trial Court (RTC) ang petisyon ng ilang kompanya ng langis na ipatigil ang implementasyon ng Unbundling Circular ng Department of Energy (DOE) ngayong Hulyo.
Ayon kay Teddy Reyes, executive director ng Philippine Institute of Petroleum (PIP), naglabas ng 20-araw na temporary restraining order ang korte laban naturang kautusan.
“We confirm that petitioners have been granted Temporary Restraining Order on the Department of Energy’s Circular No. DC 2019-05-008. The TRO, which is effective for 20 days from yesterday, stops the imminent implementation of the Circular to protect the right to a competitive market and against disclosure of trade secrets.”
Ibig sabihin, hindi pa maipapatupad ng DOE ang kautusan nitong magre-require sa mga kompanya ng langis na himayin ang detalye sa presyo ng kanilang mga produkto.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Reyes na tuloy ang pagdinig ng korte sa kaso dahil nakatakda na raw ang petsa ng paghahain ng mga ebidensya.
“The case will further be heard for presentation of evidence.”
Kung maaalala, July 4 ang orihinal na schedule sa implementasyon ng department circular.
Pero sa panayam ng Bombo Radyo kinumpirma ni Energy Asec. Bodie Pulido III, na iniurong din ng kagawaran ang naturang schedule dahil sa teknikal na aspeto. Dinepensahan din nito ang naturang circular.
“There is nothing sa actions o mga salita ng DOE na tutol kami sa oil deregulation, in fact we support the deregulation of the oil industry. Hindi namin pinapalitan, hindi namin nilalabag diyan,” ani Pulido.
“Naniniwala kami (DOE) na maganda para sa industriya yan. Specifically because gumaganda yung kompetisyon, kapag maraming players ang pumapasok, maraming nagco-compete sa presyo, bumaba ito (oil prices), at mas maganda yung services, quality ng produkto na nakukuha natin.”