-- Advertisements --

Pinag-aaralan pa ng grupo ng mga ratailers kung kailan magpapatupad ng mall-wide sale kasunod nang pagpayag dito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kamakailan.

Ayon kay Rosmarie Ong, Presidente ng Philippine Association Retailers, pinaplantsa pa kasi nila ang kanilang paghahanda para sa posibleng malaking bilang ng mga mamimili na tutungo sa mga malls kapag magpatupad ng mall-wide sale.

Patuloy aniya silang nakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) pati na rin sa mga local government units para sa mga panuntunan na kailangan sundin.

Ayon kay Ong, bago pa man nagkaroon ng COVID-19 pandemic, ang buwan ng Oktubre hanggang Disyembre talaga ang pinaka-anticipated season sa buong taon dahil sa Kapaskuhan.

Kaya naman nakahanda aniya ang mga retailers na isakripisyo ang kanilang kaunting kita para lamang masimulan na ulit ang pagiging aktibo ng ekonomiya.

Naniniwala si Ong na mas sisigla ang productivity at ma-stimulate din ang ibang industriya sa oras na masindihan na ulit ang ekonomiya ng bansa.

Kaakibat nito, iginiit ni Ong na dapat matiyak pa rin ang kaligtasan ng publiko na mamimili sa isasagawang sale ng mga malls.

Kamakailan lang, sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni DTI Sec. Ramon Lopez na mahalagang isaisip ng mga mamimili ang 7 commandments sa tuwing nasa mga pampublikong lugar upang makaiwas sa COVID-19, kabilang na ang wasto at palagiang paggamit ng face mask.