Ikinokonsidera ng Bureau of Internal Revenues (BIR) na maghain ng kasong tax evasion laban sa online influencers na binabalewala ang notices o abiso para boluntaryong tumalima sa batas sa pagbubuwis.
Sa ilalim kasi ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2021, ang mga influencer ay dapat na magbayad ng income at business tax na maaaring porsyento ng buwis o value-added tax dahil sila ay itinuturing na self-employed individuals.
Subalit nahaharap sa problema ang BIR matapos na ilang bigating influencers ang nag-deactivate ng kanilang online accounts sa iba’t ibang kadahilanan matapos iisyu ng ahensiya ng naturang memo.
Hindi naman na nagbigay ng datos ang BIR kung ilan ang mga influencer na minomonitor ng ahensiya dahil ito ay bahagi ng tinawag na “nationwide-deployed activity”.
Matatandaan na sinimulan ng BIR ang crackdown sa tax-delinquent influencers noong 2021 target ang 250 online celebrities na tinatayang kumikita ng milyun-milyong peso sa kanilang mga post at vlogs.