Paiiksiin lamang ngayong taon ang inilatag na programa sa Estados Unidos para gunitain ang ika-19 na anibersaryo ng makasaysayang September 11 terror attack.
Napagdesisyunan ng mga organizers na hindi na ito maglalagay ng stage at wala na ring programa na gagawin sa 9/11 Memorial and Museum kung saan taon-taon ay ginagawa ang pagbabasa sa mga pangalan ng mga nasawi sa insidente.
Ayon kay 9/11 Memorial Museum Director Alice Greenwald, nais nilang iwasan ang pagbuhos ng tao kung kaya’t iiksian nila ang programa ngayong taon.
Inirecord na rin nila ang pagbabasa sa mga pangalan at maaari itong i-stream online ng pamilya ng mga biktima.
Magpapatunog naman ng kampana na siyang magsisilbing simbolo ng pag-atake noong Setyembre 11, 2001 at nakatakda ring mag-martsa ang mga honor guards.
Matapos isara ang nasabing museo dahil sa coronavirus pandemic ay muli itong bubuksan para sa kapamilya ng mga biktima. Mahigpit din na ipatutupad ang social distancing sa loob at labas ng pasilidad.
Inaasahan na dadalo sa New York si Vice President Mike Pence samantalang sa Flight 93 National Memorial naman sa Pennsylvania pupunta sina President Donald Trump at Democratic presidential candidate Joe Biden.
















