-- Advertisements --

‘Generally peaceful’ at walang naitalang crime-related incidents ang Police Regional Office-7 sa buong rehiyon sa paggunita ng Semana Santa ngayong taon.

Nagpapakita lamang umano ito na epektibo ang mga plano ng pulisya dito sa pag-deploy ng seguridad para makamit ang mapayapang pagdiriwang ng Lenten Season.

Kabilang pa sa mga best practices na kanilang ipinapatupad ay ang pagtatatag ng police assistance desks, pagpapaigting ng anti-criminality campaign, pagbahagi ng mga safety tips sa social media, at pagkakaroon ng lubos na dedikasyon na maglingkod sa publiko.

Pinuri naman ni Police Regional Office-7 Director PBGen Anthony Aberin ang kanyang mga tauhan at iba pang ahensyang nagpatupad ng batas sa kanilang mga pagsisikap sa pagbigay-seguridad sa nasasakupang lugar.

Nauna na ring pinaalalahanan ni Aberin ang mga ito na mahalaga ang pagkakaroon ng presensya ng pulisya upang mapigilan ang anumang krimen o ang mga taong nagbabalak ng masasama.

Samantala, ibinunyag ng Cebu City Police Office na pinaghahandaan na nila ang pagbabalik ng mga bakasyunista dito sa lungsod mula sa iba’t ibang probinsiya.