-- Advertisements --

Naniniwala si Assistant Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro na nais lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte na agawan ng kapangyarihan ang isa para ilipat sa mga kakampi niya.

Ito ay matapos na payagan ng National Telecommunications Commission ang paggamit ng pamilya ni dating Sen. Manny Villar sa mga frequencies na dating hawak ng ABS-CBN.

Para kay Castro, ang hakbang na ito ng NTC ay maituturing na pagbibigay ng rwards ng Duterte administation sa isang loyal na kaalyado ng Presidente.

Maituturing aniya ang “cronyism” move na ito noong panahon ng martial law sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Iginiit ni Castro na lumalabas ngayon ang tunay na dahilan nang pagpapasara sa media giant at pinapakita rin mismo ni Pangulong DUterte ang “tindig” kuno nito laban sa oligarkiya.

Kaya naman dapat aniyang maging mapagmatyag sa ngayon lalo ang publiko sa mga kahalintulad na mga transaksyon na ito na maaring makaapekto sa buhay at kabuhayan ng sambayanang Pilipino.

Patapos na nga aniya ang termino ni Pangulong Duterte pero patuloy pa ring lumalabas ang kawalan daw nito nang pagmamalasakit sa taumbayan at sa kung paano ang mga polisiya nito nakakaapekto sa buhay ng madla.

Patutsada pa ni Castro, walang ibang iniisip si Pangulong Duterte kundi ang sarili lamang daw nito.